
CAUAYAN CITY – Inilunsad ng Isabela State University ang kauna-unahang Business Process Outsourcing o BPO for telehealth Center sa Rehiyon Dos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, ang presidente ng Isabela State University System, sinabi niya na dahil mayroon silang BPO Training and Simulation Center at mga health related academic programs tulad ng nursing ay napagkasunduan nila ng mga partners ng ISU, LGU Cauayan at DOST Region 2 na ilunsad ang BPO Telehealth Center sa Lunsod ng Cauayan.
Aniya isang BPO Company sa Maynila ang tutulong sa paraan ng pag operate ng nasabing telehealth center.
Magiging personnel naman sa telehealth center ang mga medical students at mga medical personnel ng ISU na sasagot sa mga tawag ng mga mamamayan sa lunsod tungkol sa Covid 19.
Ayon kay Dr. Aquino dito muna sa Cauayan City isasagawa ang pilot testing at kapag naging maganda ang resulta ay saka sila magdaragdag ng centers sa iba pang lugar.
Aniya ang mga nursing students at medical personnel ng Unibersidad ang magmomonitor sa mga asymptomatic mild at moderate covid patients na kasalukuyang nakaisolate sa kanilang mga bahay.
Kapag nakaramdam ng sintomas ang isang pasyente ay bukas ang designated number ng Center na maaari nilang tawagan para mag assist sa dapat nilang gawin.
Ang center naman ang magpapasa sa CHO ng impormasyon upang masuri o mai-isolate ang pasyente at kapag positibo ito ay imomonitor na siya ng Center hanggang siya ay gumaling sa virus.
Dahil ang mga estudyante ang tatao sa nasabing center ay magkakaroon sila ng aktuwal na training para sa kanilang pag aaral.
Mabibigyan din sila ng allowance sa kanilang pagiging personnel ng center.
Ayon kay Dr. Aquino, naglaan na ng pondo si Cong. Inno Dy para sa dalawampung slots ng mga estudyanteng tatao sa Center.
Aniya malaki ang tulong ng medical practitioners ng Unibersidad dahil sila ang magpapayo sa mga estudyante sa mga dapat nilang gawin o sabihin sa mga tatawag na mamamayan sa center.
Malaking tulong din ito sa mga pasyenteng nakaisolate dahil magkakaroon sila ng karamay sa kanilang pagsailalim sa isolation at pagpapagaling.
Maliban sa ISU ay makakasama rin sa nasabing proyekto ang University of Perpetual Help System na mayroon ding offers ng nursing.










