
CAUAYAN CITY – Nanaig ang malasakit ng mga kapulisan ng 1st Quirino Mobile Force Company (1st QMFC) matapos na tulungan sa panganganak ang isang ginang sa Gomez, Cabarruguis, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Ernesto DC Nebalasca Jr., Force Commander ng 1st QPMFC, nagsasagawa sila ng Barangayanihan sa barangay Gomez nang lumapit ang isang mister sa kapitan ng barangay para humingi ng tulong na maitakbo sa pagamutan ang kanyang misis na manganganak na.
Dahil wala ang service car ng barangay ay inalok na lamang niya na gamitin ang kanilang patrol car para madala ang ginang sa pinakamalapit na ospital.
Umalis ang kanilang patrol car kasama ang dalawang security, dalawang Barangay Worker subalit sa daan pa lamang ay nanganak na ang ginang.
Inalalayan naman ni Pat. Elymar Ayuman ang ginang at matagumpay na naisilang ang isang malusog na sanggol na babae.
Nang makarating sa ospital ay sa loob na rin ng police car inalis ng doktor ang umbilical cord ng sanggol.
Sa ngayon ay inaalam pa ang maaring ipangalan sa bata na maari umanong isunod sa pangalan ng 1st Quirino Mobile Force Company.
Ayon kay PLt.Col. Nebalasca, hindi naman ito ang unang pagkakataon na mangyari ito sa kanilang hanay.
Labis naman ang pasasalamat ng ginang at asawa nito dahil nagkataon na nandoon sila sa kanilang lugar na napakalayo sa pagamutan.










