CAUAYAN CITY – Naaalarma na ang liga ng mga barangay sa talamak at sunod-sunod na nakawan ng mga baka at kalabaw sa ilang barangay sa Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liga ng mga Barangay Federation President Dante Halaman, sinabi niya na pinulong na nila ang mga barangay kapitan mula sa 15 barangay na nakakasakop sa Highway 2 at Highway 3 ng naturang bayan.
Natalakay ang pagpapatrolya sa naturang mga barangay tuwing madaling araw upang masawata ang mga nagaganap na nakawan ng baka at kalabaw.
Batay sa kanilang datos, nakapagtala ng nakawan ng anim na baka at isang kalabaw sa barangay San Manuel, apat na baka at isang kalabaw naman ang tinangay ng mga kawatan sa barangay Villa Victoria, limang baka sa Sta. Monica, limang baka sa Garit Norte at isang kalabaw sa barangay Sta. Ana.
Hinikayat niya ang mga barangay kapitan, kagawad at tanod na makipagtulungan upang masugpo ang serye ng nakawan na hinihinalang kagagawan ng iisang grupo at maaring residente rin sa naturang bayan.
Bilang hakbang ay naglatag na sila ng mga barangay checkpoint at sinusuri ang lahat ng mga sasakyan partikular ang mga may kargang baka at baboy.