
CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang dalawang katao matapos na magbiyahe ng wooden tiles na walang kaukulang dokumento.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina Ramil Fainzan, 38-anyos, residente ng Alibagu, City of Ilagan at Joenel Quartero, 35-anyos, tricycle driver at residente ng San Vicente, City of Ilagan.
Una rito ay nakatanggap ng ulat mula sa isang concenred citizen ang Cauayan City Police Station may kaugnayan sa isang closed van na may dalang undocumented wooden tiles na mula pa sa Kalakhang Maynila.
Habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa barangay Alinam ay naharang ang naturang closed van ng pabuksan ito.
Tumambad ang mga nakasakong wooden tiles na gawa sa narra na tinatayang nasa dalawang libong piraso at iba’t iba ang laki.
Ang mga pinaghihinalaan ay agad na dinakip matapos na mabigong magprisinta ng mga kaukulang dokumento sa mga kargang wooden tiles.
Kapwa dinala sa himpilan ng pulisya ang mga pinaghihinalaan maging ang mga nakumpiskang wooden tiles para sa dokumentasyon habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Presidential Decree 705 (anti illegal logging law) laban sa kanila.










