
CAUAYAN CITY – Dead on the spot ang isang barangay kagawad matapos na pagbabarilin ng riding in tandem criminal sa Barumbung, Sto. Tomas, Isabela.
Ang nasawi ay si Barangay Kagawad Alejandro Maddawin, 59-anyos at residente ng San Jose, Delfin Albano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Felix Mendoza, hepe ng Sto. Tomas Police Station, sinabi niya na nasa labas ng ipinapagawa niyang kubo sa barangay Barumbung ang biktima nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga pinaghihinalaan na nakasuot lamang ng fatigue jacket at itim na helmet.
Aniya, batay sa mga nakalap nilang impormasyon ay kararating lamang ng biktima sa naturang lugar nangg maganap ang insidente.
Nagtamo ng tama ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril sa tagiliran, dibdib at ulo ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Agad na tumakas patungo sa hindi pa matukoy na direksyon ang mga pinaghihinalaan lulan ng pulang Suzuki Raider na motorsiklo.
Bagamat may sinusundan ng gabay ay patuloy pa rin ang kanilang pagsisiyasat sa mga nakakalap na impormasyon mula sa mga nakasaksi sa pamamaril.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng hanay ng pulisya katuwang ang iba’t ibang himpilan para sa ikadarakip ng mga pinaghihinalaan.










