--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay na ng matagpuan kaninang alas otso ng umaga ang nawawalang Barangay Kagawad sa Mallig, Isabela sa ilog na bahagi ng Sta. Isabel Sur, lunsod ng Ilagan.

Kinumpirma ito mismo ng hepe ng City of Ilagan Police Station at isang kapatid ng biktima sa Bombo Radyo Cauayan.

Matatandaang idineklarang missing si Barangay Kagawad Louie Berbon Duque, 49-anyos at residente ng Trinidad, Mallig, Isabela noong May 28 na umano’y pinagbabaril ng mga armadong grupo at isinakay sa isang van.

Dinala muna sa Isabela Provincial Crime Laboratory Office SOCO sa naturang lunsod ang katawan ng biktima upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkasawi nito.

--Ads--

Kaugnay nito ay nananatiling blangko ang pamilya ng biktima sa tunay na motibo sa pagdukot sa kanya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa kapatid ng biktima na si Ginang Lucel Pagaduan, hanggang sa ngayon ay wala pa silang ideya sa nangyari kay barangay kagawad Duque.

Aniya, pauwi na sana ang kanyang kapatid lulan ng motorsiklo at galing sa isang inuman sa kalapit nilang barangay nang siya ay pagbabarilin at tangayin.

Posible aniyang dahil ito sa politika subalit wala naman silang alam na nakaalitan nito sa kanyang unang termino bilang isang kagawad sa kanilang barangay.

Bagamat walang nakasaksi sa pangyayari dahil malayo sa kabahayan ang lugar ay mayroon aniyang isang residente na nakarinig ng anim hanggang pitong putok ng baril subalit limang basyo lamang ng bala ang nakuha sa lugar kasama ang motorsiklo ng biktima na may mga bakas ng dugo.

Ayon kay Ginang Pagaduan, huling suot ng kanyang kapatid ay kulay asul na sando at short na kulay cream.

Sa ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Mallig Police Station upang malaman ang tunay na motibo sa nangyari kay Barangay Kagawad Duque at kung sinu-sino ang nasa likod ng pangyayari.

Tinig ni Ginang Lucel Pagaduan.