
CAUAYAN CITY – Hinikayat ng Office of the Senior Citizens Affairs Office (OSCA) Isabela ang mga Senior Citizen sa lalawigan na samantalahin ang pagkakataon para makapagpabakuna kontra COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ruben Tumbaga, Focal Person ng OSCA Isabela, sinabi niya na minomonitor niya ang mga senior citizen sa lalawigan maging ang kasalukuyang vaccination roll out para sa A2 priority group.
Aniya, pinapasyalan niya ang mga vaccination area upang tignan ang mga senior citizen na sumasailalim sa pagbabakuna.
Batay sa kaniyang monitoring kapansin-pansin na maraming mga senior citizens ang nagtutungo sa mga vaccination sites subalit may ilan pa ring nakakaranas ng biglaang pagtaas ng blood pressure dahil sa hindi mapigilang nerbiyos o kaba habang isinasagawa ang evaluation o screening.
Pinayuhan niya ang mga senior citizen na iwasang makinig sa mga usap-usapan o maling impormasyon may kaugnayan sa mga itinuturok na brand ng bakuna gayundin na hayaan ang mga health workers o ang DOH na magpasya kung sila ay qualified o hindi na makatanggap ng bakuna.
Hinikayat din niya ang mga kapwa senior citizen na samantalahin ang vaccination roll out kung saan kabilang sila sa priority group upang mabigyan ng proteksyon laban sa naturang sakit.
Kaugnay nito ay inihayag ni Ginoong Tumbaga na maging siya ay nakatanggap na ng unang dose ng kanyang bakuna kontra COVID-19 at tanging pananakit lamang sa bahagi ng kanyang katawan na nabakunahan ang naramdaman niya.










