CAUAYAN CITY – Patuloy pa ring pinoproseso ng DSWD Region 2 ang pamamahagi ng unconditional cash transfer sa mga benepisaryo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jeslymar Layugan, ang UCT Information Officer ng DSWD Region 2, sinabi niya na kasalukuyan pa ang kanilang validation sa karagdagang benepisaryo ng programang Unconditional Cash Transfer ng DSWD Region 2.
Aniya kasalukuyan ang kanilang koordinasyon sa landbank para sa pagpapagawa ng ATM o cash cards para sa mga hindi pa nakatanggap ng cash grants noong 2018, 2019 at 2020.
Matatandaan na ang UCT ay programa ng pamahalaan na nagbibigay ng ayuda sa mga apektado ng pagtaas ng bilihin dahil sa TRAIN Law.
Ayon kay Ginoong Layugan marami pa ang hindi nakakuha ng nasabing ayuda kaya kasalukuyan ngayon ang kanilang pagproseso sa mga kaukulang dokumento.
Ang target ng programa na matulungang benepisaryo ay ang mga senior citizen para sa social pension, mga mamamayang benepisaryo ng Pantawid at mga mahihirap na mamamayan na natukoy ng programang Listahanan.
Umaabot sa halos dalawandaang libo ang mga senior citizen na benepisaryo ng social pension sa Region 2.
Nasa mahigit isandaang libo naman ang mga kabilang sa Pantawid at pitumpong libo naman ang benepisaryo ng Listahanan.
Sa taong 2019 ay wala pang nababayarang benepisaryo ng UCT Soc-Pen habang kasalukuyan pang inaayos ang para naman sa Pantawid.
Umabot naman sa 68,000 beneficiaries ng Listahanan ang nabayaran ng DSWD Region 2 noong 2019.
Nilinaw naman ng DSWD Region 2 na makukuha pa rin ng mga benpisaryong hindi nakakuha noong 2019 ang kanilang cash grants kahit pa patapos na ang programa ngayong taon.
Ang pinagkaiba lamang ngayon ay hindi na sila magtutungo sa mga bayan upang magsagawa ng payout kundi sa pamamagitan na ng ATM o cash cards makukuha ng mga benepisaryo ang kanilang cash grants.
Nasa P2,400 ang naipamahaging ayuda noong 2018 habang nasa P3,600 naman ang makukuha ng mga benepisaryo para sa taong 2019 at 2020.
Ayon kay Ginoong Layugan, mag uumpisa ang distribusyon ng cash cards sa mga benepisaryo ngayong buwan at every weekend ang pagsasagwa ng distribusyon.
Nakaschedule naman ang pilot distibution ng cash cards sa Calayan, Cagayan.