CAUAYAN CITY – Nagbahagi ng kaalaman ang City Veterinary Office ng impormasyon upang maiwasan ang pagkalat ng infectious coryza o epidemya ng mga alagang manok na kumakalat na sa ibang bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao ng City Veterinary Office, sinabi niya na sa kasalukuyan ay wala pang naitatalang kaso ng nasabing sakit sa mga manok sa lunsod maliban sa ibang sakit ng manok na dulot ng mainit na panahon.
Ayon kay Dr. Dalauidao karamihan sa mga manok na tinatamaan ng nasabing sakit ay ang mga gala, kulang sa pagkain at bitamina.
Maaari naman aniyang magamot ang mga manok na tinamaan ng Infectious coryza sa pamamagitan ng antibiotic.
Pinayuhan naman niya ang mga may alagang manok na ikulong ang mga ito sa maayos na lugar na hindi napapasok ng ibang manok upang hindi sila mahawaan
Pakainin ng tama at bigyan sila ng bitamina upang may panlaban sila sa sakit.
Huwag din silang hayaang mabilad sa araw at laging painumin.