--Ads--

CAUAYAN CITY Patay na ng matagpuan ang isang mister matapos na magbigti sa loob ng kanyang silid sa Lanting, Roxas, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rassel Tuliao, hepe ng Roxas Police Station, sinabi niya na ang nagpakamatay ay isang 26-anyos na mister na residente rin ng naturang barangay.

Batay sa kanilang pagsisiyasat, bago ang pagpapatiwakal ng lalaki ay nakaalitan nito ang kanyang pamilya at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kanyang magulang at asawa.

Ayon umano sa mismong magulang nito madalas itong nakikipagtalo o nananakit tuwing malalasing o nalalango sa nakalalasing na inumin.

--Ads--

Upang makaiwas sa gulo ay nagpasya silang iwan na lamang ito sa kanilang bahay habang umiinom ng alak.

Una rito ay nagbanta pa itong magpapakamatay subalit hindi nila inaasahang gagawin niya ito.

Ayon kay PMaj. Tuliao upang mapawi ang agam-agam kaugnay sa pagpapatiwakal ng naturang mister ay agad silang nakipag-ugnayan sa Scene of The Crime Operatives (SOCO) upang iproseso ang pinangyarihan ng krimen at napatunayan na walang foul play sa paraan ng kanyang pagpapatiwakal kung saan ginamit nito ang isang pulang belt bag.

Ang naturang insidente ay ang kauna-unahang kaso ng pagpapatiwakal sa naturang bayan ngayong taon.

Payo ni PMaj. Tuliao sa mga residente na huwag idaan sa pagpapatiwakal o pagbawi sa sariling buhay ang ano mang nararanasang problema dahil hindi lamang sila ang maapektuhan kundi maging ang mga taong nagmamahal sa kanila.

Tinig ni PMaj. Rassel Tuliao.