
CAUAYAN CITY – Nagsimula na ngayong June 1 ang online registration ng National ID sa Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Julius Emperador ng PSA Isabela, nagbukas noong April 30, 2021 ang online registration ng National ID sa Region 4A.
Gayunman sa Isabela ay nailunsad ang online registration noong May 25 at nagsimula ngayong araw ang pilot online registration sa Echague pangunhain na sa Banceto hall.
Bukas naman ito sa lahat ng mamamayan sa Isabela pero kung hindi residente ng Echague ay kailangang magkaroon ng health card na mula sa DOH bilang pagtalima sa panuntunan ng naturang bayan.
Aniya, magtatagal ito hanggang sa katapusan ng Hunyo at sa susunod ay mabubuksan na ang iba pang registration centers sa lalawigan.
Tiniyak naman ni Provincial Director Emperador na walang mangyayaring palakasan system sa nagpapatuloy na registration ng National ID.
Aniya, prayoridad lagi rito ang mga may appointment subalit tumatanggap naman sila ng walk in registrants kapag walang nakapila.
Ayon sa kanya, namomonitor nila kapag walk in ang magpaparehistro kung walang maipakitang appointment slip o numero.










