CAUAYAN CITY – Isang taon nang Coronavirus Disease (COVID-19) positive free ang isla ng Calayan sa lalawigan ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Joseph Llopis na noong nakaraang taon ay nagkaroon lamang ng dalawang kaso ng COVID-19 ang Isla ng Calayan.
Walang nangyaring local transmission dahil lahat ng mga dumarating sa Calayan ay isinasailalim sa dalawang linggong isolation at isang linggong home quarantine.
Sa ngayon ay binago na ang naturang kautusan dahil bago makarating sa Calayan ay may holding period pa sa lahat ng point of entry na limang araw at kailangang sumailalim sa swab test.
Pangunahin dito ang mga galing sa high risk area at kung Returning Calayano naman ay sasailalim sa antigen test.
Ayon kay Mayor Llopis, lahat ng mga entry point sa isla ay may mga nakaabang na awtoridad at habang sumasailalim sa quarantine ay babantayan sila ng mga health workers.
Ibibigay ng pamahalaang lokal ang kanilang pangangailangan habang naka-quarantine at sila rin ang magbabayad sa pagsusuri.
Ayon sa punong bayan, dahil walang local transmission ay may kaluwagan naman sa loob ng kanilang bayan.
Sa kabila nito ay limitado pa rin ang turismo sa Calayan.
Inamin ni Mayor Llopis na may pressure sa kanila ang pagiging COVID-19 positive free ng kanilang bayan.
Gayunman ay nagsisilbi itong inspirasyon sa kanila para lalo pang paigtingin ang mga ginagawa nilang hakbang para wala nang maitalang kaso ng virus.
Kaugnay nito ay kinilala ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang pamahalaang lokal ng Calayan dahil sa pagiging COVID-19 positive free sa loob ng isang taon.






