--Ads--

CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang isa ang nasugatan sa banggaan ng motorsiklo at forward truck sa Fugu, Jones, Isabela.

Ang nasawi ay ang tsuper ng motorsiklo na si Andrei John Almazan, 17 anyos, estudyante habang ang nasugatan ay ang kanyang angkas na si Roswell Gepte, 21 anyos, binata at kapwa residente ng Masaya Sur, San Agustin, Isabela.

Ang tsuper ng Isuzu forward truck ay si Samuel Almario, 61 anyos, biyudo at residente ng Dabubu Grande, San Agustin, Isabela.

Sa imbestigasyon ng Jones Police Station, binabagtas ng motorsiklo ang daan patungong hilaga ngunit sa pakurbang bahagi ng daan ay napunta ito sa kabilang linya na naging dahilan ng pagsalpok sa kasalubong na forward truck.

--Ads--

Pumailalim sa truck ang mga biktima dahilan para magtamo sila ng malubhang sugat sa katawan pangunahin na si Almazan.

Agad namang tumugon ang mga personnel ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) Jones at itinakbo sa ospital si Almazan subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician habang nakaligtas si Gepte.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Jones Police Station si Almario.