CAUAYAN CITY – Inamin ng Philippine Red Cross Nueva Vizcaya na nahihirapan sa paglikom ng donasyon na dugo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chari Wachayna, Chapter Service Representative on blood services ng PRC Nueva Vizcaya, sinabi niya na dahil sa kakulangan ng suplay ay nagdadala ng sariling donor ang mga nangangailangan ng dugo.
Dapat sana ay ang PRC ang naghahanap ng mga donor para sa mga nangangailangan ng dugo ngunit dahil sa kasalukuyang sitwasyon ay hirap sila na makakuha ng mga Blood Donor.
Sa tuwing may mga nagdodonate at sumobra sa pangangailangan ay doon na lamang sila nakakalikom ng extra blood bag na naipapamahagi sa mga wala talagang mahanap na blood donor.
Aniya taong 2020 ay nagsagawa sila ng pagbabahay-bahay upang mapunan ang pangangailangan ng dugo ngunit dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ay hindi na nila ito magawa ngayon maging ang pagsasagawa ng Blood Donation Program.
Sumasailalim sa mahigpit na screening ang mga donors upang matiyak na hindi carrier ng Covid19.
hinimok niya ang mga nais magdonate ng dugo na pumunta sa kahit saang Red Cross Chapter upang matulungan ang mga lubos na nangangailangan ng Dugo.