CAUAYAN CITY – patuloy ang pagsisiyasat sa motibo sa pagbaril at pagpatay sa isang barangay kagawad ng Delfin Albano, Isabela sa barangay Barumbung Sto. Tomas, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Felix Mendoza, hepe ng Sto. Tomas Police Station, sinabi niya na nakikipag-ugnayan pa rin sila sa pamilya ni Barangay Kagawad Alejandro Maddawin.
Inihayag ni PMajor Mendoza na may hawak na silang testigo at ebidensiya na maaaring makatukoy sa pagkakilanlan ng mga suspek.
Hindi pa nila maaaring isapubliko upang hindi makompromiso ang kanilang pagsisiyasat.
Matatandaang agad na nasawi si Barangay Kagawad Maddawin matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem criminal habang nasa labas ng ipinapagawa niyang kubo sa barangay Barumbung Sto. Tomas, Isabela.
Siya ay nagtamo ng tatlong tama ng bala ng hindi pa matukoy na baril sa kanyang tagiliran, dibdib at ulo na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.











