CAUAYAN CITY – Dalawang magandang dilag ang pambato ng Isabela sa Miss Philippines-Earth 2021 na gaganapin ang coronation night sa buwan ng Hulyo ngunit ang mga pre-pageant activities ay nagsimula kahapon.
Ang mga kakatawan sa Isabela ay sina Bb. Zeneth Joy Khan ng Cordon, Isabela at Bb. Myra Yzabelle Rola ng Aurora, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa Half-Pakistani at half-Filipina na si Bb Zeneth Joy Khan na tubong Malapat, Cordon, isabela, sinabi niya na bagamat ang ina lamang niya ang tubong Isabela ay proud Isabelina siya.
Lumaki siya sa pamilya ng mga magsasaka dahil ang kanyang lolo, lola at mga magulang ay pawang magsasaka kaya sa murang edad ay naipamulat na sa kanya ang kahalagahan ng pagtatanim ng mga halaman.
Ayon kay Bb. Khan, isa sa naging inspirasyon niya sa pagsali Miss Philippines Earth 2021 ay ang makabagong henerasyon ng mga kabataan.
Isa aniya sa pinaka-matinding issue na kinakaharap ng buong mundo ay ang climate change na dulot ng polusyon na hindi na lamang sa mga malalaking lunsod nangyayari kundi maging sa mga lalawigan.
Ang pinaka-sentro ng kanyang adbokasya ay ang air purification at conservation.
Nais niyang mabigyan ang mga tao ng sapat na kaalaman hinggil sa kahalagahan ng paggamit ng bisikleta upang mapababa ang air pollution.
Maging ang pagpapataas ng kaalaman sa kahalagahan ng mga halaman at punong kahoy sa paligid na nakakatulong para pagkakaroon ng sariwa at malinis na hangin.
Bago sumabak sa Miss Philippines Earth 2021 ay lumahok na siya sa iba’t ibang patimpalak-pagandahan at kasalukuyang Ambassadress of Reconciliation sa University of La Salette.
Nakamit din niya ang 2nd runner up sa Search for Miss PRISAA.
Bilang paghahanda sa Miss Philippines-Earth ay ibayo niyang pinapangalagaan ang kanyang kalusugan at umaasa na makakamit ang korona.
Inanyayahan ni Bb. Khan ang mga kapwa Isabelino na antabayanan ang mga kaganapan sa Miss Philippines-Earth 2021.
Nagsimula kahapon ang pre-pageant activities at tampok ang kanilang casual wear.
Dahil sa kasalukuyang pandemya ay nagpasya ang Miss Philippines-Earth organization na isagawa online o virtual ang mga pre-pageant activities.






