CAUAYAN CITY – Balik na sa normal ang ilang District Jails sa Region 2 na nagkaroon ng mga kaso ng nagpositibo sa Covid 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Romeo Villante Jr. ang Regional Chief of Directorial Staff at Chief of Community Relations Service ng BJMP Region 2, sinabi niya na balik na sa normal ang mga piitan tulad ng Solano District Jail matapos na gumaling na ang mga personnel at PDL na tinamaan ng Covid 19.
Ayon kay Atty. Villante maaaring nakuha ng mga nagpositibong personnel at PDLs ang virus sa kanilang pagdalo sa mga face to face court hearings.
Hindi naman isinasantabi ng BJMP Region 2 ang iba pang dahilan ng pagpositibo ng mga ito.
Aniya malaki ang naitulong ng pagkakaroon ng mga isolation units sa loob ng piitan dahil agad na naihihiwalay ang mga suspected nakakaranas ng sintomas na mga personnel at PDLs.
Marami na rin sa mga personnel ng BJMP at PDLs ang nabakunahan na kontra Covid 19 bagamat may mga ilan na nag aalangan pa ring magpabakuna.
Dahil dito ay patuloy ang isinasagawang Information Dissemination ng BJMP Region 2 upang mahikayat silang magpabakuna.
Humingi naman ng pasensya si Atty. Villante sa mga kapamilya ng mga PDLs dahil sa ipinagbabawal pa rin ang pagdalaw sa mga piitan.
Hinikayat naman niya ang mga ito na bisitahin ang kanilang kapag anak sa pamamagitan ng E-Dalaw upang makumusta ang kalagayan ng kanilang kapamilya sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya.