--Ads--

CAUAYAN CITY – Electrical wiring ang tinitingnang dahilan ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Ramon sa pagkakasunog ng isang family house kaninang umaga sanhi para masugatan ang isang miyembro ng pamilya matapos na subukang iligtas ang ilan nilang kagamitan.

Ang biktima ay si Noel Christian Biag, 22-anyos at isang guro.

Ayon sa kanyang pamilya, sinubukan niyang iligtas ang kanyang mga kagamitan tulad ng motorsiklo at nagtagumpay naman pero nasunog ang kanyang likod, paa at nasugatan dahil sa bubog.

Sa kasalukuyan ay nagpapagaling na sa isang pagamutan sa lunsod ng Santiago ang biktima.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni SFO2 Susan Rivera ng BFP Ramon na kasalukuyan pa ang pag-iimbestiga nila sa naturang sunog.

Aniya, 6:13 kaninang umaga nang makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa nasusunog na family house na agad nilang nirespondehan pero malaki na ang apoy kaya ang mga nasa paligid na bahay na lamang ang kanilang isinalba para hindi na kumalat.

Ayon sa kanya, ang nasunog na bahay ay gawa sa light materials at marami ang kagamitan sa loob kaya madaling lumaki ang apoy.

Ang ipinagpapasalamat lamang nila ngayon ay wala ng nakatira sa bahay kaya hindi na namimintena ang electrical wiring na tinitignan nilang dahilan lalo na at kagabi ay patay sindi ang kuryente sa kanilang bayan.

Sa ngayon ay hindi pa nila mabatid ang halaga ng nasunog.

Paalala niya sa publiko na laging mag-ingat at laging ipasuri ang kanilang electrical wirings at kung may mga kagamitan na hindi na ginagamit ay ilabas na lamang para kung magkaroon ng sunog ay hindi masyadong lalaki ang apoy.

Tinig ni SFO2 Susan Rivera.