CAUAYAN CITY– Naniniwala ang pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na hindi pa panahon para tanggalin na ang paggamit ng face shield bilang proteksyon sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC na tiwala siyang hindi pa napapanahon para tanggalin ang faceshield dahil kahit nabakunahan na ang iba ay kailangan pa ring protektahan ang sarili lalo na at hindi pa napapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Aniya, ang pinapasukan ng virus ay ang mukha lalo na sa mata, bibig at ilong kaya kahit may takip ang bibig at ilong kung walang takip ang mata ay posible pa rin ang hawaan.
Ayon kay Dr. Baggao, dito sa lambak ng Cagayan ay mataas pa rin ang mga kaso lalo na sa Cagayan na nakasailalim pa rin sa MECQ kasama ang lunsod ng Santiago kaya dapat ay hindi pa rin maging kampante.
Katunayan aniya, karamihan sa kanilang mga COVID-19 patients ngayon ay mula sa Cagayan maliban pa sa mga nakaisolate sa mga quarantine facilities.










