CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang 16 ang nasugatan matapos bumangga sa street light at bumaliktad ang isang elf truck sa national highway sa Cansan, Cabagan, Isabela.
Ang nasawi ay si Milagros Garro habang ang tsuper ng elf truck ay ang manugang nito na si Domingo Angolluan Jr. 41 anyos, may asawa, magsasaka at kapwa residente ng Fermeldy, Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt. Rommel Aggabao, Chief Intel ng Cabagan Police Station na galing sa Antagan, Tumauini, Isabela ang mga sangkot dahil nagpiknik sila sa Pinakanawan River.
Habang binabagtas ang naturang daan ay nakaidlip umano si Angoluan kaya nawalan siya ng kontol sa manibela at bumangga sa street light ang truck at bumaliktad.
Agad na nasawi si Garro habang ang ibang lulan ng elf truck ay dinala sa Milagros Albano District Hospital subalit may dalawang inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao, City upang masuri nang mabuti.
Ayon kay PLt. Aggabao, sa 17 na lulan ng sasakyan ay anim ang menor de edad.
Batay sa kanilang imbestigasyon, nakainom ng alak ang tsuper na posibleng dahilan kaya siya nakaidlip habang nagmamaneho.
Nakalabas na sa ospital ang ibang biktima habang si Angoluan ay nasa kustodiya na ng Cabagan Police Station at hinihintay na lamang ang pamilya kung sila ay magdedemanda laban sa kanya.
Nagpaalala si PLt. Aggabao sa publiko na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang mass gathering kaya iwasan muna ito habang sa mga tsuper naman ay huwag ng magmaneho kapag nakainom ng alak upang maiwasan ang aksidente.




