--Ads--

CAUAYAN CITY – May mga tsuper ng tricycle pa ring patuloy na lumalabag sa pagbabawal  sa  pagsakay ng higit sa isang pasahero.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na halos araw araw ay marami pa rin silang nahuhuling lumalabag sa nasabing panuntunan.

Aniya mahigpit na ipinapatupad ang nasabing panuntunan upang maiwasan ang virus na Covid 19.

Nabibigyan lamang ng pagkakataong magsakay ng higit sa isang pasahero ang isang tricycle driver kapag emergency o may ihahatid sa ospital para sa check up ngunit hanggang sa dalawa lamang ang maaaring isakay.

--Ads--

Maliban sa kanilang mga naaktuhan mismo sa mga lansangan ay nakakahuli rin sila dahil sa mga sumbong ng concerned citizens.

Kahapon ay nakahuli ang apprehension team ng tatlong tsuper ng tricycle  at maging ang kanilang mga pasahero ay hinuli rin upang hindi na sila umulit pa.

Ayon kay POSD Chief Mallillin pinaghahatian ng tsuper at pasahero ang multa sa kanilang nagawang paglabag.

Muling nagpaalala ang hepe sa mga mamamayan na sumunod sa mga ipinapatupad na health protocols upang hindi na maabala at makaiwas sa virus.

Ang bahagi ng pahayag ni POSD Chief Pilarito Mallillin.