CAUAYAN CITY – Lubos ang pasasalamat ng isang pitumput apat na taong gulang na Lola sa lunsod matapos maging benepisyaryo ng Housing Project ng Santiago City Police Office.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lola Florencia Baloran, isa sa mga benipisyaryo ng PNP Lingkod Bayanihan, Libreng Pabahay, sinabi niya na maluwag nitong ibinahagi ang kanilang sitwasyon bago pa man maging recipient ng nasabing programa.
matagal na rin siyang naninirahan sa lugar kasama ang kaniyang apo na isang PWD habang ang kaniyang anak na lalaki ay bihira lamang na umuwi dahil sa trabaho bilang tsuper sa Aurora, Isabela.
Dahil dito ay wala siyang magawa kundi patuloy na kumayod at maging labandera na tinatayang apat na dekada na niyang trabaho.
Doble pasakit nang pumanaw ang kaniyang asawa na dumaan din sa malubhang karamdaman maging nang minsang mapagsamantalahan ang kaniyang apo.
Mula nang mangyari ang insidente sa kaniyang apo ay ninais na niyang mapagawa ang kanilang tahanan ngunit dahil sa kapos sa pera at apektado rin ng pandemya ang kaniyang trabaho ay hindi ito nagawa.
Lubos ang pasasalamat ngayon ni Lola Florencia pangunahin na sa Diyos dahil siya ang napili ng SCPO Station 1 bilang benepisiyaryo ng nasabing pabahay.
Naisakatuparan ng SCPO Station 1 ang Project SOUL o Shelter of Unity and Love ng PNP Lingkod Bayanihan, Libreng Pabahay sa pakikipagtulungan ng Brgy. Naggasican.
Ibinigay din sa magLola ang ilang beddings, lamesa at grocery packs bilang panimula sa kanilang pamumuhay sa bago nilang bahay.