CAUAYAN CITY – Pinaghahanap ngayon ang isang binata na tumakas matapos barilin sa ulo habang natutulog ang kanyang ama sa Balintucatoc, Santiago City.
Ang biktima ay si Rogelito Parinas Sr., 59 anyos, magsasaka habang ang suspek ay ang anak na si Rogelito Parinas, Jr., 29 anyos, binata at kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ni PSSg Leo Saltat ng Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO), sinabi niya na habang uminom ng alak ang suspek at kapatid na si Sonny ay umuwi ang binata sa kanilang bahay.
Kasunod nito ay nakarinig si Sonny ng putok ng baril at pagkatapos ay humahangos na lumapit sa kanya ang kanilang ina at sinabing binaril sa ulo ang kanilang ama habang natutulog.
Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang motibo ng suspek sa pagbaril at pagpatay sa kanyang ama.











