CAUAYAN CITY – Patay ang isang construction worker matapos na pagsasaksakin ng kanyang kasamahan sa trabaho nang magkapikunan sila dahil sa larong tursi sa Sitio Bigao, barangay Minanga, San Mariano, Isabela.
Ang nasawi ay si Jomar Limon, 31 anyos at residente ng Maluno Norte, Benito Soliven, Isabela habang ang suspek ay si Eddie Resurreccion, 49 anyos at residente ng Sitio Loscon, Gangalan, San Mariano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PSSgt. Jonimar Baingan, imbestigador ng San Mariano Police Station na nagkaroon ng inuman kagabi ang grupo ng mga kalalakihan sa tinutuluyan nilang kubo kasama sina Limon at Resureccion.
Nag-away ang dalawa matapos na magkapikunan dahil sa larong tursi hanggang nagpambuno sila at bumagsak sa lupa.
Nakabangon si Limon at umalis ngunit bumalik at binato sa ulo si Resurreccion dahilan para saksakin siya ng suspek.
Naitakbo pa sa San Mariano Community Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Ayon kay PSSgt. Baingan, marami ang tinamong saksak ng biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan.





