
CAUAYAN CITY – Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines North Luzon ang pamamaril patay kay Deputy City Prosecutor Atty. Victor Begtang Jr. ng Ilagan City sa kanyang tahanan sa Malama, Conner, Apayao.
Nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril ang biktima matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding in tandem bandang alas dos bente kahapon, ikadalawamput tatlo ng Hunyo, 2021.
Naitakbo pa ang biktima sa Conner District Hospital ngunit hindi na nagawang maisalba ang kanyang buhay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty Lucky Damasen, ang Governor Elect ng Northern Luzon IBP sinabi niya na mabait at masipag na tao si Atty. Begtang dahil nakalaban din niya ito sa isang kaso noon.
Aniya ang pagpatay kay Atty. Begtang ang kauna-unahang pangyayaring pagpatay sa isang prosecutor sa Region 2.
Nasasayangan si Atty. Damasen sa pagkasawi ng kapwa niya abogado dahil isa ito sa mga magagaling, devoted at may sensiridad na makipagtalastasan sa hukuman upang mapalutang lamang ang katotohanan.
Tiniyak naman ng North Luzon IBP na magbababa sila ng official statement bilang pagkundena sa ginawang pamamaslang sa kanilang kapwa abogado.
Wala naman umano siyang nababalitaan na mga abogado na nakakaranas ng harrassment o red tagging sa Rehiyon ngunit ito ang kanilang tututukan at susuriin ngayon upang ito ay maiwasan.
Patuloy ang kanilang pakikipag ugnayan sa Regional Command ng kapulisan at sa labing apat na probinsya ng Northern Luzon upang mapag usapan kung paano maprotektahan ang seguridad ng mga abogado.




