
CAUAYAN CITY – Bahagyang tumaas ang mga naitatalang paglabag sa Republic Act 9262 (Violence Against Women and their Children (VAWC) sa lunsod ng Cauayan kumpara noong nakaraan taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Scarlette Topinio, Chief ng Women and Children Protection Desk (WCPD) section ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na mula Enero hanggang Hunyo noong nakaraang taon ay 7 lamang ang naitala nilang kaso na may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9262 sa lunsod ngunit ngayong taon ay nakapagtala sila ng 9 sa kapareho ring panahon.
Sa 9 na ito ay may pang-aabusong pisikal, emosyonal at kawalan ng suporta sa usaping pinansiyal.
Aniya, ang pagiging lasing ng lalaki ang dahilan ng pag-aaway ng mag-asawa at nauuwi sa sakitan.
Bukod dito ay nagseselos din ang lalaki kaya nila nasasaktan ang kanilang mga asawa.
Patuloy naman ang pagbisita nila sa mga barangay upang makapagbigay ng kaalaman sa usaping ito.
Ayon kay Topinio, may mga kahalili naman sila sa mga barangay dahil may mga VAWC desk na rin ngayon sa iba’t ibang barangay sa lunsod.
Hinikayat niya ang mga kababaihan na agad na sumangguni sa kanilang tanggapan o tumawag sa kanilang hotline kung may nararanasang pang-aabuso para agad na maaksyunan.










