--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinasalamatan ng pamunuan ng Kalinga Police Provincial Office (KPPO) ang mga Isabela Police Provincial Office (IPPO) pangunahin na ang mga kasapi ng Quezon Police Station dahil sa pagkadakip ng apat na suspek na bumili ng mga Marijunana bricks sa Kalinga.

Kahapon, June 27, 2021 ay naaresto sa Quezon, Isabela sina Jerwin Lipalam, 24 anyos, may asawa, residente ng Dagupan, Tondo, Manila; Jayson Pallares, 22 anyos, tsuper, residente ng 10th Avenue, Grace Park Avenue, Caloocan City, 17 anyos na laborer, residente ng Tondo, Manila at Alvin Guiyab, 20 anyos, residente Balagan, San Mariano, Isabela matapos na maharang kasunod ng pagkakatanggap ng impormasyon mula sa  Rizal Municipal Police Station at Kalinga Police Provincial Office na sila ay tumakas dahil sa pagbibiyahe ng iligal na droga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng KPPO na sa nasasakupan pa lamang nila ay sinusubaybayan na ang sasakyan ng mga pinaghihinalaan na isang  Toyota Vios sa pamamagitan ng kanilang mga assets.

Gayunman nang parahin ito ng mga Police Kalinga ay agad na pinaharurot ng tsuper ang sasakyan.

--Ads--

Hinabol nila ito kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga kapulisan sa Isabela kaya nahuli ang mga suspek.

Ayon sa kanya, marami pa rin sa mga mamamayan ng Kalinga ang nagtatanim ng Marijuana dahil sa laki ng kita kaya kahit puspusan ang kanilang mga operasyon ay marami silang nasisirang pananim.

Gayunman ay naniniwala siya na matitigil lamang ito kung wala ng dadayo sa Kalinga para bumili dahil takot naman ang mga nagtatanim na magbiyahe ng marijuana.

Ang pahayag ni PLt Col Davu Vicente Limmong

Samantala, napag-alaman ng mga awtoridad na peke ang resulta ng mga RT-PCR test result at Covid-19 travel pass ng mga naarestong drug suspek sa Quezon, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Col Eugenio Mallillin, hepe ng Provincial Intelligence Unit ng IPPO, matapos na maaresto ang mga pinaghihinalaan at masamsaman ng mga kontrabando ay napag-alaman din na peke ang dala nilang RT-PCR test result at Covid-19 travel pass.

Aniya, patunay lamang nito na gagawin ng mga kawatan ang lahat para lamang makapagbiyahe ng iligal na mga droga ngayong may pandemya dahil pangalawang beses na ng mga suspek na magtungo sa lalawigan ng Kalinga para kumuha ng suplay ng droga.

Patuloy ang beripikasyon ng mga awtoridad upang malaman kung tunay o hindi ang iba pang bitbit na dokumento at mga ID ng mga suspek.

Tiniyak niya na patuloy ang monitoring ng mga awtoridad sa lalawigan ng Isabela upang maiwasan ang illegal drug trade activity at maipalaganap ang kapayapaan at kaayusan.

Ang pahayag ni PLt Col Eugenio Mallillin