--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagproseso ng Employees Compensation Commission o  ECC Region 2 sa benepisyong ibinibigay sa mga empleyado bilang kompensasyon ngayong pandemya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Remie Andrada ng ECC Region 2 sinabi niya na maganda ang kanilang pamimigay ngayon ng nasabing benepisyo dahil katuwang nila ang SSS at GSIS bilang administering agencies.

May dalawang benepisyong ibinibigay ang ECC sa mga manggagawa na nagkaroon ng Covid 19 dahil sa kanilang trabaho, ito ay ang loss of income benefit mula sa SSS o GSIS depende kung anong sektor sila kabilang.

Kapag kwalipikado na ang manggagawa sa sickness benefit ng SSS o GSIS ay makakatanggap din sila ng cash assistance mula sa ECC na nagkakahalaga ng sampung libong piso habang kapag namatay naman ang manggagawa dahil sa Covid 19 ay nagkakahalaga ng labing limang libong piso ang ibibigay.

--Ads--

Sa kasalukuyan ay nasa sampung manggagawa  na ang nakapagfile ng kanilang mga dokumento para sa benefit claims at may limang government employees ang ipinadala ng ECC Region 2 sa Central Office na maaaring makatanggap ng naturang benepisyo.

Nasa apatnapu rin ang naghihintay na ma-review at maaprubahan ang claims sa SSS at GSIS mula sa Marines Group.

Ayon kay information officer Andrada walang nabago sa paraan ng aplikasyon dahil kailangan lamang ipadala ng manggagawa ang kanilang mga dokumento sa tanggapan ng ECC Region 2 sa pamamagitan ng Courier upang makaiwas sa virus.

Ang bahagi ng pahayag ni Information Officer Remie Andrada ng ECC Region 2.