--Ads--

CAUAYAN CITY – Inamin ng BIR Isabela na maraming negosyante ang umiiwas sa isinasagawang tax mapping ng tanggapan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Compliance Chief Gladys Garcia ng BIR Isabela sinabi niya na kapag nalaman ng mga negosyante na magsasagawa ng tax mapping ang BIR ay isinasara ng mga ito ang kanilang establisimiento.

Dahil dito ay nagsasagawa ng surprise inspection ang BIR ngunit may ilan pa ring negosyante ang isinasara ang kanilang bahay kalakal kapag paparating na ang revenue officer na magsasagawa ng tax mapping.

May mga hindi rin tinatanggap ang sulat na mula sa BIR kaya giit ng tanggapan na dapat nila itong tanggapin upang sila ay maimpormahan kung may kulang sa kanilang mga papeles o may paglabag.

--Ads--

Pinaalalahanan  ng BIR ang mga negosyante na makipagtulungan na lamang kaysa maipasara ng tuluyan ang kanilang negosyo kapag hindi nakatugon sa panuntunan.

Ayon kay Compliance Chief Garcia mas mabuting masuri ng BIR ang kanilang negosyo upang malaman kung ano ang kanilang paglabag at kapag nagkaroon muli ng inspection ay alam na nila ang kulang sa kanilang mga dokumento at hindi na matatakot na humarap sa revenue officer.

Aniya hindi malulutas ang tax mapping case hanggat hindi mabayaran ang penalty ng negosyante sa pamamagitan ng compromise settlement.

Ang bahagi ng pahayag ni Compliance Chief Gladys Garcia ng BIR Isabela.