
CAUAYAN CITY – Arestado ang isang partidor matapos na pagsasaksakin at tangkaing halayin ang isang dalagita sa Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.
Ang pinaghihinalaan ay si Rodolfo Sibayan, 29-anyos, partidor habang ang biktima ay 17-anyos, estudyante at kapwa residente ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS. Renzy Yarcia, tagasiyasat ng Solano Police Station, mag-isa ang biktima sa kanilang bahay at naglalaro ng Mobile Games habang hinihintay ang kanyang ina na pumunta sa isang burol nang bigla na lamang tumambad sa kanyang harapan ang suspek at agad siyang pinagsasaksak.
Tinamaan sa braso ang dalagita at sinubukan pang lumayo sa suspek at nagtungo sa silid ng kanyang ina subalit sinundan siya ng pinaghihinalaan at ipinagpatuloy ang pananasaksak sa kanya.

Hinubaran din umano ng suspek ang biktima at tinangkang gahasain subalit nang mahimasmasan ay agad ding umalis.
Nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima pangunahin na sa kamay, leeg, tagiliran, hita at likurang bahagi na tanda na siya ay nanlaban.
Naitakbo naman sa pagamutan ang biktima na ngayon ay nagpapagaling na.
Ayon kay PSMS. Yarcia, sa tulong ng ilang mamamayan na nakakita sa suspek ay natunton ang kinaroroonan nito at nahuli.
Aminado naman ang suspek sa kanyang nagawa at inihayag na bago ang insidente ay nagkayayaan silang mag-inuman ng kanyang tatlong kaibigan sa daan na papunta sa bahay ng biktima.
Itinuro rin niya ang lugar kung saan nito itinapon ang kitchen knife na ginamit sa krimen.
Sa ngayon ay nakakulong na sa Solano Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong frustrated murder at attempted rape.
Batay naman sa record ng mga awtoridad, taong 2018 nang masangkot sa paglabag sa Republic Act 9262 (VAWC Act) ang suspek laban naman sa dati niyang kinakasama.
Payo ni PSMS. Yarcia sa mga magulang na bantayan ng mabuti ang kanilang mga anak para maiwasan ang mga ganitong pangyayari.










