CAUAYAN CITY – Malaking tulong ang kanyang Project Punlapis upang maitanghal na isa sa 10 Outstanding Guro Awards sa buong Pilipinas ang isang guro sa Cauayan City sa isinagawang virtual awarding na pinangunahan ng Junior Chamber International Philippines.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mrs Leah Joyce Corpus Quilang, isang Grade 8 Adviser at English Teacher sa Cauayan City National High School Main Campus na natutuwa siya at nakilala ang kahalagahan ng kanyang Project Punlapis.
Ayon kay Ginang Quilang, Katuwang niya ang ilang kabataan sa naturang proyekto kung saan ay nagbebenta sila ng mga Plantable Pencil na may mga kasamang vegetable seedlings at sa bawat pagbili ay mayroong Plantable Slip na magsusulat ang mga bumili ng mga inspirational words na ibibigay sa mga estudyanteng humaharap sa Mental Health Problem.
Layunin din ng nasabing proyekto na matulungan ang mga mag-aaral na maibsan ang kanilang nararamdaman o nararanasang mental issues at magkaroon ng sustainable development.
Sinabi pa ni Ginang Quilang na ang isa pa nilang target vision sa nasabing proyekto ay mag-iiskolar sila ng mga estudyante at pag-aaralin mula sekondarya hanggang kolehiyo at titignan din kung papaano mabago ang buhay ng mga estudyante.
Ibinebenta nila ang tatlong lapis na mayroong kasamang seedlings ng mga gulay ng isang daang piso at gumagawa na rin sila ng pamamaraan upang maka-establish ng market at magkaroon ng mga partner nasabing proyekto. .











