CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang limang nadakip kabilang ang isang chief tanod sa isinagawang drug operation ng mga otoridad sa Aglipay, Quirino.
Ang mga nadakip ay sina Jefferson Dela Cruz, 33 anyos, may-asawa, tsuper at residente ng San Leonardo, Aglipay, Quirino; Julie Anne Castillo, 34 anyos, secretary, residente ng Progreso, Aglipay, Quirino at mister na si Orlando Castillo, 32 anyos, karpintero at kapwa residente ng Progreso, Aglipay, Quirino; Mark Alvin Domingo, 36 anyos, chief tanod ng Progreso, Aglipay, Quirino at Jessy Boy Joaguin, 28 anyos, biyudo, karpintero at residente rin ng barangay Progreso.
Nakuha kay Dela Cruz ng pulis na nagpanggap na buyer ang isang heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at dagdag na anim na heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at 6,000 pesos.
Ang 4,000 pesos ay boodle money.
Nasamsam din sa kanyang pag-iingat ang isang Caliber 45 pistol na may 2 magazine at 13 na bala.
Sa isinagawang operasyon ay natuklasan ang drug den sa bahay ni Orlando Castillo at nasamsam ang 13 ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, drug paraphernalia na kinabibilangan ng 7 na piraso ng improvised tooter, 9 na disposable lighter, 7 aluminum strip foil, 2 gunting at naaresto ang apat pang kasama na na nahuli sa aktong nagsasagawa ng pot session
Sa kabuuan ay nasamsam ang 19 na piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 11 strips ng aluminum foil, 11 na disposable lighter, 1 cell phone, 1 open pack small transparent plastic sachet at 1 empty heat sealed sachet.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol Rommel Rumbaoa, panlalawigang director ng Quirino Police Provincial Office (QPPO) na ito ay bunga ng kanilang halos isang buwang intelligence monitoring sa illegal na aktibidad ng mga suspek.
Ang chief tanod na si Domingo ay dating drug surrender sa Oplan Tokhang ng Aglipay Police Staton ngunit bumalik sa illegal drug activity.
Ayon kay PCol Rumbaoa, hindi alam ng barangay kapitan ng progreso na bumalik sa paggamit ng illegal na droga si Domingo.
Si Dela Cruz naman ay nagbibiyahe at bumibili ng illegal na droga na ibinebenta sa bayan ng Aglipay.
Ayon kay PCol Rumbaua, ang lalawigan ng quirino ay naideklarang drug cleared province noong 2019 at matagal na wala silang namonitor na aktibidad sa illegal na droga.
Dahil sila mismo ang nakahuli sa limang drug personality ay hindi maaepektuhan pagiging drug cleared province Quirino.
Kung iba sanang otoridad ay magkakaroon ng revalidation.





