--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadakip ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na kabilang umano sa grupo na nagsasagawa ng pagnanakaw ng mga baka at Kalabaw sa lalawigan ng Quirino at timog na bahagi ng Isabela.

Ang mga suspek ay sina Jay-ar Ahuyan, 28 anyos at Ninoy Utana, 25 anyos kapwa residente ng Hallag Proper, Alfonsolista, Ifugao at pansamantalang nakatira sa P Mabini, Santiago City.

Unang natiktikan ang grupo sa lalawigan ng Quirino pangunahin na sa bayan ng Diffun kung saan marami na umano silang nabiktima.

--Ads--

Sa pangunguna ng Diffun Police Station ay isinagawa ang isang operasyon laban sa mga suspek at naaktuhan na nagnanakaw ng ilang alagang Baka at kalabaw.

Nakipaghabulan sila hanggang sa makarating sa Baluarte, Santiago City at sa pakikipagtulungan ng Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO)ay narekober ang isang Hyundai Grace van,  color gray na may plate number na RDL 778 na naglalaman ng tatlong baka at isang kalabaw na namatay din kalaunan.

Nakatakas naman ang mga suspek ngunit nasundan din ng mga kasapi ng City Intelligence Operatives ng SCPO katuwang ang Station 1 sa Mabini, Santiago City.

Nadakip ang dalawa sa mga suspek habang sina Jomar Paclibare at Teddy Putang ay nakatakas.

Nakuha ang kanilang getaway vehicles na Kia Green van na may plate number na WSD 277 na minamaneho ni Ahuyan at isang Hyundai White Grace van na may plate number na REL 547 na minamaneho naman ni Otana.

Nakuha in sa pag-iingat ni Ahuyan ang dalawang cellphone, isang improvised 12 gauge shotgun, dalawang transparent ziplock sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.

Sa tulong ng PNP Crime Laboratory sa Lunsod ay nakuha sa dalawang sasakyan ang dalawang bala na hinihinalang ginagamit para patayin ang mga baka, mahahabang tali at kumuha na rin ng sample ng mga balahibo sa dalawang sasakyan para isailalim sa pagsusuri.

Mariin naman ang pagtanggi ng mga suspek at iginiit na nagdedeliver lamang sila ng saging.

Kabilang naman ang mga pinaghihinalaan sa una nang nadakip na lalaking nagnanakaw ng Baka sa Bayan ng Angadanan.

Umaasa ang mga awtoridad na mawawakasan na ang pagnanakaw ng mga baka at kalabaw sa Probinsiya ng Quirino at karatig lugar.

Hinimok naman ng Diffun Police Station at SCPO ang publiko na maaring biktima ng grupo na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan para maisama ang kanilang reklamo laban sa mga suspek.

Sina Ahuyan at Utana ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Presidential Decree No. 533 o Anti Cattle Rustling Law of 1974.

Samantala, isang organisadong grupo ang kinabibilangan ng dalawang nahuli sa Lunsod ng Santiago na nagnanakaw ng mga baka at kalabaw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Reynold Gonzales, hepe ng Diffun Police Station na batay sa hawak nilang testigo ay nasa 20 ang miyembro ng grupo.

Magkakabarkada aniya ang mga ito at ang buong region 2 at Cordillera Administrative Region ang kanilang operasyon.

Unang may mag-iikot na mga motorsiklo sa mga barangay at kapag nakakita ng bibiktimahin ay igagapos na nila bago tawagan ang pagsasakyang van.

Dinadala nila ito sa isang rancho bago unti-unting i-dispose sa ibang bayan at lalawigan.

Hindi naman nila inaalis ang posibilidad na mayroon silang kasabwat na nagkakatay o nagtitinda ng karne.

Sa ngayon ay patuloy ang pangangalap nila ng mga ebidensiya at kapag napatunayang sangkot talaga ang sinasabing rancho ay kasama rin ito sa masasampahan ng kaso.

Naniniwala si PCapt. Gonzales na magkakaugnay ang grupong ito sa mga suspek sa nakawan ng baka at kalabaw sa Isabela pangunahin na sa Echague at Angadanan dahil malaki ang kanilang grupo.

Aabot aniya sa 10 van ang kanilang ginagamit para maibiyahe ang mga ninanakaw nilang kalabaw o baka.

Ang pahayag ni PMa Reynold Gonzales