
CAUAYAN CITY – Nasa 457 na baka at 339 na kambing ang naipamahagi ng DA Region 2 sa mga magsasaka sa Rehiyon na naapektuhan ng nagdaang bagyong Ulysses.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ferdinand Orquero, ang Technical Staff ng Livestock Program ng DA Region 2 sinabi niya na naibigay ang nasabing livestock sa mga piling magsasaka sa Rehiyon.
Nasa 1,134 heads ng kambing ang target na ipamahagi ng kagawaran sa mga benepisaryo at tig isa sa bawat benepisaryo ang ibibigay.
Aniya lahat ay naipadala na sa bawat munisipyo ng bayan ang livestock upang ang LGU na ang magbibigay sa kanilang mga kababayang magsasaka na apektado ng Ulysses at nasa 30% na ang naibigay sa mga ito.
Nakatakda ang susunod na delivery sa susunod na linggo dito sa lalawigan ng Isabela at Cagayan.
Ayon kay Ginoong orquero, ang mga mabibigyan ng livestock ay ang mga nasa listahan na isinumite ng munisipyo sa DA at navalidate na mayroong nalunod na baka o kambing noong nagkaroon ng malawakang pagbaha.
Aniya pinapa-update din ng kagawaran ang listahan ng LGU upang maupdate ang mga makakakuha ng hayop na aalagaan.
Dahil naibigay na sa mga munisipyo ang alloted na bilang ng baka at kambing sa kanilang nasasakupan ay ang municipal agriculturist na ang bahalang mamahagi nito sa mga benepisaryo.
Maaari namang magbigay na lang ang DA ng manok bilang kapalit sa baka o kambing na sana ay maibigay sa mga hindi napabilang sa master list ngunit namatayan din ng alaga.
Ang kailangan lamang ay may pruweba ang magsasaka na namatayan siya ng alaga noong kasagsagan ng baha na dulot ng bagyong Ulysses upang siya ay mabigyan ng aalagaang hayop.










