CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang Grade 6 pupil matapos na malunod sa imbakan ng tubig o Small Water Impounding Project (SWIP) sa Roxas, Naguilian, Isabela.
Ang biktima ay 12 anyos na batang lalaki at residente rin ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, hepe ng Naguilian Police Station, sinabi niya na huling nakita ang biktima na naglalaro kasama ang iba pang mga bata malapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Nabanggit umano nito na gusto niyang maligo sa nasabing imbakan ng tubig na may lalim na 3 hanggang 5 na talampakan.
Aniya, ginagamit ng mga magsasaka ang mga naiimbak na tubig tuwing panahon ng tagtuyot o kailangan ng tubig sa kanilang sinasaka.
Mag-isang nagpunta ang bata sa naturang lugar na dahilan upang siya ay malunod at bawian ng buhay.
Sa tulong ng Naguilian Rescue team ay nakuha ang bangkay ng bata sa imbakan ng tubig at naitakbo pa sa pagumutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Paalala ng hepe sa mga mamamayan pangunahin na sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang mailayo sa kapahamakan.





