
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Philippine Red Cross (PRC) Isabela Chapter na sapat ang tustos ng dugo sa lalawigan hanggang sa ikalawang linggo ng buwan ng Agosto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Joyce Kristine May Quilang, Service Representative ng PRC Isabela Chapter na ngayong buwan ay marami ang nagpa-schedule na mga blood donors sa kanilang tanggapan bilang bahagi ng World Donor’s Month.
Sa ngayon ay natutugunan naman nila ang mga nangangailangan ng dugo na nagtutungo sa kanilang tanggapan.
Pangunahing nangangailangan ng dugo ay ang mga dialysis patients, mga nanganganak, may mga anemia at mayroon ding naaksidenteng nangangailangan ng dugo.
Inihayag pa niya na para mapanatili ang sapat na tustos ng dugo ay nakikipag-ugnayan sila sa iba’t ibang ahensya para sa blood letting activities.
Nanawagan din sila sa mga regular donors at mga indibiduwal na lumahok sa kanilang blood leting activity sa darating na Sabado at sa July 29.
Ang kumukuha ng dugo sa kanilang tanggapan ay kailangang bayaran ang screening o testing fee batay sa guideliness ng DOH.
Ang testing fee ng full blood ay P1,800, ang tap red blood cells ay P1,500 pesos habang ang ibang component tulad ng platelet concentrate ay P1,000.










