CAUAYAN CITY – Tinawag na kalokohan ng Civil military Officer (CMO) ng 502nd Infantry Brigade Philippine Army ang mga pahayag ng New People’s Army (NPA) kaugnay ng naganap na sagupaan kahapon sa Masipi, Cabagan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Capt Joter Lobo, CMO ng 502nd Infantry Brigade Philippine Army na nakahimpil sa Echague, Isabela, sinabi niya na patuloy ang pagtugis ng militar sa mga nakasagupa nilang rebelde kahapon.
Nasa mabuti nang kalagayan ang dalawang sundalo na isang corporal at isang sarhento na nasugatan sa palitan ng putok.
Una silang dinala sa Milagros District Hospital sa bayan ng C abagan bago inilipat sa Camp Melchor Dela Cruz Station Hospital sa Gamu, Isabela.
Tinawag ni Capt. Lobo na fake news ang pahayag ng NPA na walang sagupaan at nagkaroon lamang ng piknik ng mga tao sa nasabing lugar.
Binigyang-diin niya na hindi magkakaroon ng mga sugatan sa kanilang hanay kung walang naganap na sagupaan.
Marami aniyang magpapatunay na may engkuwentro sa barangay Masipi kabilang ang barangay kapitan.
Ayon kay Capt. Lobo, unang nagpaputok ang mga rebelde kaya may mga sundalong nasugatan.
Hindi sila sigurado noon una na rebelde ang mga nagpaputok kaya hindi agad nakaganti ng putok ang mga sundalo.
Ayon kay Capt. Lobo, malayo sa posibilidad na may nagpipiknik sa lugar dahil malapit ito sa bundok.
Tinawag din niyang kasinungalingan ang pahayag ng NPA na may mga taong hinuli ang militar kabilang ang isang buntis.
Ito aniya ay modus at taktika ng mga NPA na gumawa ng kasinungalingan para ilayo ang katotohanan
Nagsasagawa umano ng pangingikil ang mga rebelde sa nasabing lugar kaya nagsumbong ang mga tao.
Sinabi pa ni Capt. Lobo na kalokohan din ang pahayag ng mga rebelde na may apat na sundalo na namatay.
Gusto lamang nilang paniwalain ang mga tao na sila ang nakakalamang.
Wala nang mataguan ang mga NPA sa Isabela dahil marami nang sumuko sa focused military operation sa lalawigan.
Nasundan sila sa coastal towns ng Isabela at hindi na sila makakabalik sa Lunsod ng Ilagan at San Mariano, Isabela kaya nagtungo sila sa bayan ng Cabagan,
Gayunman, vigilante ang mga taga-Cabagan at nagsumbong sila sa mga otoridad kaya natunton ang mga rebelde.
Indikasyon ito aniya na ayaw na ng mga tao sa mga NPA.
Kaya muling hinikayat ni Capt Lobo ang mga rebelde na sumuko na dahil matutunton din sila ng mga pulis at sundalo.
Nagpapasalamat si Capt Lobo sa tulong ng komunidad sa nasasakupan ng 502nd IB.
Unang sinabi ni Capt. Lobo na may palatandaan na nasugatan sa panig ng mga NPA dahil sa bakas ng mga dugo.
May kubo na natagpuan ang mga sundalo at sa paligid nito nagkaroon ng sagupaan at maaaring nagpahinga lang doon ang mga rebelde at naabutan ng mga sundalo.
Mga sampung kasapi ng RSDG Regional Cagayan Valley Committee ng CPP-NPA na kumikilos sa Isabela ang kanilang nakasagupa.





