CAUAYAN CITY – Nangako ang Cabatuan Police Station na magbibigay ng tulong pinansiyal sa naiwang pamilya ng nasawing pulis na nasangkot sa aksidente sa Cauayan City.
Unang napaulat na noong gabi ng Sabado na nasawi si Patrolman Carlo Angelo Gaffud matapos bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang kotse sa national highway sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fresiel Dela Cruz, hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi niya na nakipag-ugnayan na ang kanilang himpilan sa naulilang pamilya ni Pat. Gaffud at nangako siya na idadaan sa proseso ang lahat para maibigay ang nararapat na tulong pinansiyal sa pamilya ng nasawi niyang tauhan.
Aniya, tatlong taon nang nagsisilbi bilang pulis si Patrolman Gaffud at dalawang taon dito ay ang pagseserbisyo niya sa bayan ng Cabatuan, Isabela.
Ayon kay PMaj. Dela Cruz, napakabuting pulis at responsable sa trabaho si Pat. Gaffud bilang operations PNCO ng kanilang himpilan.
Ayon pa sa hepe, mahilig si Pat. Gaffud na magmotorsiklo at nakakarating pa sa lunsod ng Baguio.
Matapos ang nangyari kay Patrolman Gaffud ay inatasan niya ang mga tauhan lalo na ang mga nagmamaneho ng motorsiklo na gumamit ng helmet o proteksyon sa ulo at ibayong mag-ingat para maiwasan ang aksidente.












