CAUAYAN CITY – Binigyan ng isang mambabatas ng 8.5 na grado ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Philreca Partylist Representative Presley De Jesus na kung bibigyan niya ng grado ang pangulo sa kanyang huling SONA ay 8.5 ang kanyang ibibigay mula sa 1-10.
Aniya, hinintay niyang babanggitin ng pangulo ang halos sampong milyong indibiduwal sa bansa na wala pang kuryente o di kaya ay magpatayo ang pamahalaan ng sariling planta subalit wala siyang narinig.
Bukod dito ay hindi rin nabanggit ng pangulo ang Endo bill o contractualization.
Sa kabila nito, inamin niya siya na maraming nagawa ang pangulo pangunahin na sa kanyang Build, Build, Build Program at kung paano labanan ng pamahalaan ang pandemyang nararanasan sa buong mundo.
Natuwa siya sa sinabi nito na bubuo ng isang departamento ang pamahalaan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa pamamagitan aniya nito ay mabibigyan sila ng proteksyon.
Samantala, sinabi ni De Jesus na hindi nila inaasahan na tatagal ng halos dalawang oras ang SONA ng pangulo dahil ang akala lamang nila ay tatagal ito ng mahigit isang oras.





