CAUAYAN CITY– Tumutulong na ng mga Overseas Filipino Worker sa kanilang mga kapwa OFW na nasasawi sa COVID-19 sa Malaysia upang maiuwi sa Pilipinas ang kanilang mga abo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Ernalyn Moral Bueno, isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Malaysia na kamakailan lamang ay lima sa mga kakilala niyang Pinoy sa naturang bansa ang pumanaw dahil sa COVID-19 bukod pa sa mga nauna nang namatay.
Nagtutulungan naman ang ilang Pilipino doon para maiproseso ang kanilang mga abo at maiuwi sa Pilipinas.
Pinapayuhan naman ng embahada ng Pilipinas ang lahat ng mga OFWs doon na magpabakuna at sa ngayon ay nasa kalahati na ang nabakunahan.
Gayunman ay may mga mga pumanaw dahil hindi kinaya ng kanilang katawan ang bakuna.
Ayon pa kay Ginang Bueno, dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Malaysia ay may mga Pinoy na ang humihingi ng tulong matapos na mawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng kanilang pinagtatrabahuan.











