CAUAYAN CITY – Pili lamang ang mapapabilang sa repopulation program ng Department of Agriculture (DA) region 2 para sa mga naisailalim sa culling ang alagang baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 may programa ang DA na repopulation para sa mga naisailalim sa culling ang alagang baboy pero ito ay pili lamang at mula sa mga indigent families.
Bibigyan ng isang baboy para sa testing ang mga benepisaryo na pinili ng provincial veterenary office, lokal na pamahalaan at ang DA regulatory.
May pondo itong 75 million pesos mula sa quick response fund ng DA para pambili ng biik.
Hiling lamang nila na makipagtulungan ang mga napiling benepisaryo para hindi masayang ang baboy.
Hinikayat nila ang mga LGUs na maglaan din ng pondo para sa mga naapektuhan ng ASF sa kanilang nasasakupan dahil hindi ito kakayanin ng DA kung sila lamang ang magbibigay ng tulong.
Nilinaw niya na iba ang repopulation program ng DA sa ibibigay na tulong sa mga napatayan ng baboy noon.





