
CAUAYAN CITY – Isasailalim sa limang araw na lockdown ang buong Isabela State University Main Campus dahil sa pagpositibo sa antigen test ng isang kawani.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, ang Presidente ng ISU System, sinabi niya na sa pagsailalim sa lockdown ng Campus ay work from home muna ang mga kawani.
Magsisimula ang lockdown sa araw ng lunes, ikalabing anim ng Agosto at magtatagal hanggang byernes.
Aniya hinihintay pa ang resulta ng RT PCR Test ng nagpositibong empleyado na kasalukuyan nang nakaisolate sa quarantine facility at nakakaranas ng sintomas ng Covid 19.
Sa pagsasagawa ng contact tracing ng mga kinauukulan ay napag alaman na mayroong dalawampung kawani ng ISU ang nakasalamuha nito.
Ayon pa kay Dr. Aquino mula noong nakaraang buwan ay walang naitalang nagpositibo sa mga kawani ng campus.
Umaasa naman ang lahat ng kawani na negatibo ang resulta ng RT PCR test ng nagpositibo sa antigen upang makabalik sa normal ang Campus at papanatilihin pa rin sa 50% capacity sa mga opisina.
Kapag negatibo ang resulta ng test nito ay maaaring mapaikli pa ang lockdown sa Campus.










