--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling nakapagtala ng bagong kaso ng African Swine Fever o ASF ang lalawigan ng Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay  Provincial Veterinary Officer Belina Barboza,  sinabi niya na unang naitala ang bagong kaso ng ASF sa bayan ng Reina Mercedes noong ikalabindalawa ng Agosto at sumunod ang bayan ng San Mateo noong ikalabintatlo ng Agosto.

Matapos makatanggap ng report tungkol sa mga alagang baboy na nagkakasakit ang Provincial Veterinary Office ay agad silang nagsagawa ng disease investigation o surveillance at kumuha ng Blood collection na ipinasuri at positibo ang resulta.

Dahil dito ay  nakipag-ugnayan sila  sa mga mayor na magsasagawa sila ng culling sa mga natitirang baboy na nagkasakit at magpakalat ng impormasyon sa mga barangay tuungkol sa ASF.

--Ads--

Tinungo ng mga kawani ng tanggapan ang pinagmulan ng report na si Ginoong Mauricio Dalauidao sa Reina Mercedes Isabela at napag alaman na nakabili siya ng baboy sa Bacnor East,  Burgos Isabela dahil siya nagba-buy and sell ng baboy at matapos ang sampung araw ay nag-umpisa nang magkasakit ang nasabing mga baboy kaya inireport na ng livestock technician at kinuhanan ng blood sample na positibo na ang resulta sa ASF.

Agad ding tinungo ng mga kawani ng Veterinary Office ang babuyan ni Ginoong Edgar Concepcion sa Brgy. Villaluz San Mateo Isabela at base sa kanilang imbestigasyon bumili siya ng karne ng baboy sa Sta. Maria, San Ildefonso Ifugao.

Itinapon umano ang pinaghugasan ng karne malapit sa piggery at matapos ang dalawang araw nagsimula nang magkasakit at mamatay ang dalawang inahin at sumunod ang kanilang boar at dalawa pang baboy habang ang natitirang tatlo ang siyang inireport sa Provincial Veterinary Office at nakuhanan ng blood sample.

Dahil maituturing na red zone ang lugar ay pinayuhan silang huwag maglabas o magkatay ng baboy at pinayuhan ding mag disinfect sa lugar at huwag magpakain ng kanin sa mga baboy dahil maaaring dito kumalat ang ASF.

Pinayuhan din nila ang mga nagbebenta ng karne ng baboy na huwag magbenta ng karne na hindi dumaan sa slaughter house.

Dahil sa pagkaron ng kaso sa Reina Mercedes at San Mateo ay ititigil muna ang pamamahagi ng mga sentinel pigs sa mga apektado ng ASF noong nagkaroon ng outbreak.

Maghihintay silang muli ng anim na buwan bago muling masimulan ang pamamahagi ng baboy na kanilang aalagaan para sa obserbasyon.

Sa pagmonitor ng Veterinary Office sa paligid ng infected na lugar ay wala namang nagkasakit na baboy hanggang kahapon.

Kabuuang labing anim na baboy ang naitalang infected ng ASF.

Itinuring namang isolated lang ang pagkakaroon ng kaso sa dalawang bayan dahil hindi na tulad noon na dikit dikit ang mga nakakapagtala ng kaso dahil maraming nag aalaga.

Ang bahagi ng pahayag ni Provincial Veterinary Officer Belina Barboza.