--Ads--

CAUAYAN CITY– Maaaring madagdagan pa ang kasong Robbery, Extortion at Cyber Crime na kinakaharap sa isa umanong Radio block timer ng isang himpilan ng Radyo sa Tuguegarao City na ang modus ay manghihikayat na mag-subscribe ang mga negosyante at mga opisyal ng pamahalaan sa kanyang programa at sa kanyang you Tube account.

Ang hinuli na si Romel Mendi, 46 anyos na residente ng San Fermin, Cauayan City ay maaari pang madagdagan ang kasong kinakaharap.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Director Atty. Gelacio Bongat ng NBI Region 2 na modus ni Mendi na magbibigay ng subscription letter na nagkakahalaga ng P40,000.00 sa programa niya sa Radyo.

--Ads--

Ayon kay Regional Director Bonggat, ang nagrereklamong negosyante na si Dennis Avila ay nilapitam umano ni Mendi upang kuning advertiser ng mga programa nito sa radyo gayundin sa kanyang You Tube account.

Maayos pa aniya ang pakikitungo ng pinaghihinalaan noong una, ngunit nang humingi umano siya ng paumanhin sa pinaghihinalaan na hindi nito kaya ang hinihinging apatnapong libong piso na kabayaran sa advertisement nito ay hindi na maganda ang pakikitungo ng suspek kay Avila.

Pinagbantaan din umano ni Mendi si Avila na ikakalat at ihahayag nito ang mga maling kalakaran sa kanyang pinapatakbong negosyo at ipapasara ito.

Dito na lumapit sa NBI si Avila para humingi ng tulong at matigil ang nasabing gawain ng pinaghihinalaan .

Agad itong tinugunan ng NBI Region 02 sa pamamagitan ng entrapment operation.

Nakipagtawaran pa si Avila sa alok ni Mendi na mula sa halagang P40,000.00 at naibaba sa P30,000.00 na inayunan naman ni Mendi.

Nang isagawa ang entrapment operation, tinanggap ni Mendi ang perang ‘marked money’ na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto sa Ugac Norte, Tuguegarao City

Samantala, inihayag pa ni Regional Director Bongat na nauna na ring nabiktima ng pinaghihinalaan sina DENR Regional Executive Director Gwendolyn  Bambalan  at si Eng’r. Mario Ancheta,  Regional Director ng Mines and Geosciences Bureau o MGB Region 2  

Matagal na anyang inirereklamo ng mga nasabing Regional Director ang pinaghihinalaan ngunit hindi lamang maharap na magkaroon ng pormal na reklamo hanggang sa ireklamo ng negosyante na si Dennis Avila, may-ari ng Delta Global Aces Construction Trading.

Hindi anya empleyado ng isang himpilan ng Radyo sa Tuguegarao ang pinaghihinalaan kundi isa lamang umanong block timer sa naturang himpilan.

Bahagi ng pahayag ni Regional Director Gelacio Bongat ng NBI region 2