CAUAYAN CITY – Kinumpirma ni Atty. Karen Abuan ng Alicia, Isabela ang pagsasampa ng reklamo sa National Electrification Administration (NEA) para matanggal bilang miyembro ng Board of Director ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO 1) si Philreca Partylist Representative Presley De Jesus.
Kasama niyang naghain ng reklamo si Atty. Carlos Simangan ng Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Abuan na ang basehan nila sa isinampang reklamo ay ang section 10 ng Republic Act 10531 o National Electrification Reform Act of 2013.
Maging ang section 16 ng Department of Energy Circular number 2013-07-0015 na nagsasaad na ang electric director o officer ay dapat nagtataglay ng qualification sa kanyang tenure of office.
Nanunungkulan bilang partylist representative si De Jesus bukod sa pagiging kasapi ng Board of Director ng ISELCO 1.
Iginiit ni Atty. Abuan na walang halong pulitika ang reklamo laban kay De Jesus dahil sa nalalapit na halalan.
Ipinaliwanag niya na matagal na nilang gustong ihain ang reklamo ngunit sinamantala nila ang pagkakataon na inalis sa puwesto si NEA Administrator Edgardo Masongsong ng nagpalabas noon ng memorandum na walang dual position ang pagiging miyembro ni De Jesus sa Board of Director ng electric cooperative.
Bukod dito ay mahirap umanong kumuha ng mga dokmento sa ISELCO 1.
Hindi rin umano pinansin ni Masongsong ang mga reklamo noon ng kanyang ama na dating member ng Board of Director ng ISELCO 1.
Nakasaad sa Memorandum 2019-027 na ipinalabas ni Masongsong na ang electric cooperative official o employee na napiling maging representative ng patylist repesentative ng electric cooperative ay pinapayagang manatili sa kanilang puwesto dahil hindi naman sila inihalal ng electorate kundi kinatawan ng isang partylist
Iginiit ni Atty. Abuan na ang memorandum ay taliwas sa isinasaad ng batas at walang legal effect.
Samantala, sinabi ni Philreca Patylist Rep. De Jesus na wala pa siyang natanggap na impormasyon hinggil sa reklamo sa kanya.
May mga dati nang naghain ng reklamo hinggil sa kanyang dual position.
Ipinaliwanag niya na ang ISELCO 1 ay non-stock at non-profit at pribadong entity kaya hindi maituturing na dual public office ang kanyang hinahawakang puwesto.
Hindi rin siya regular na kawani ng ISELCO 1.
Naghain din siya noon ng clarification sa COMELEC at NEA bago siya maging nominee ng Philreaca Partylist at nilinaw na hindi public office ang pagiging board of director ng electric cooperative at hindi naman niya pangalan ang iboboto sa Philreca bilang partylist representative.
Sinabi pa niya na kinakatawan niya ang kanyang sektor bilang partylist rep.
Anuman ang magiging pasya ng NEA sa reklamo laban sa kaya ay susundin niya.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo cauayan kay Atty. Armando Velasco, retired commissioner ng Comelec, sinabi niya na dapat nakarehistro sa Cooperative Development Authority (CDA) ang mga electric cooperative para maituturing na ganap na pribado.
Ang ISELCO 1 aniya ay nasa ilalim ng NEA na ahensiya ng pamahalaan
Ayon kay Atty. Velasco, malalaman aniya sa Charter ng ISELCO 1 at NEA kung pinapayagan ang dual position ni De jesus.





