CAUAYAN CITY– Nakubkob ng mga kasapi ng 50th Infantry Battalion Phil. Army ang kwebang imbakan ng mga armas at gamit ng mga kasapi ng New People’s Army o NPA Sitio Ligayan, Barangay Balantoy, Balbalan, Kalinga.
Narecover ng mga tropa ng pamahalaan sa nasabing kuweba ang isang M16 rifle na baril, long magazine na naglalaman ng 20 piraso na mga bala, isang bandolier, tatlong metro ng electrical wire, tatlong tent, iba’t-ibang mga gamot, subersibong mga dokumento, at ilang mga personal na kagamitan.
Ang mga ito ay natagpuan sa isang kweba na ginawang imbakan ng armas ng mga NPA.
Ayon sa mga residente, kanilang ibinahagi ang naturang impormasyon upang wala nang rason na daanan pa ng mga NPA ang kanilang lugar.
Hindi umano katanggap tanggap sa mga mamamayan ang presensiya ng mga rebelde sa kanilang lugar dahil sa takot at kaguluhan na maidudulot nila.
Nauna nang idineklarang persona non grata ang mga rebeldeng pangkat sa naturang lugar .
Samantala, nagpasalamat naman si MGen Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division sa pakikipagtulungan ng mga residente upang tapusin ang insurhensiya sa kanilang lugar.
Aniya, ang mga residente ang makikinabang sa kanilang pagsuporta sa panig ng pamahalaan.











