CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit tatlumpung libong mag aaral mula kinder hanggang grade 12 ang nakapag enroll sa mga paaralan sa lunsod para sa School year 2021- 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr, ang Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City, sinabi niya na umabot na sa 30,817 ang nakapag enroll mula nang magsimula ang enrollment noong nakaraang linggo.
Aniya nasa mahigit apat na libong mag aaral pa ang kanilang inaasahang magpapatala dahil noong nakaraang taon ay nasa 34,298 ang kanilang enrollees.
Mula nang magsimula ang early registration noong buwan ng Abril ay tuluy-tuloy na ang pagpapatala ng mga guro sa mga mag aaral na inuna ang mga kinder, grade 1, grade 7 at grade 11.
Aniya hindi sila nahirapang abutin ang nasabing bilang ng enrollees dahil kinukumpirma na lamang ng mga guro kung magpapatuloy sa pag aaral ang mga estudyante sa kanilang paaralan o sila ay lilipat.
Upang maiwasan naman ang kumpulan ng tao at makaiwas sa virus ay sa pamamagitan na lamang ng online ang ginawang pagpapatala sa ilang mga estudyante at ang mga requirements ay ipinapadala sa email.
Ayon kay Dr. Gumaru bumaba ang bilang ng enrollees ng mga pribadong paaralan kung saan sa dalawamput limang private schools ay nasa apat na libo lamang ang nag enroll kung ihahambing sa mahigit sampung libo noong nakaraang pasukan.
Patuloy naman ang paghikayat ng SDO Cauayan City sa mga mag aaral at magulang na hindi pa nakapagpa enroll na mag enroll na dahil hanggang ikalabintatlo ng Setyembre pa ang enrollment.
Itutuloy pa rin naman ang ibat ibang modalities sa pag aaral ng mga estudyante at unang una rito ang modules at online learning.
Ayon kay Dr. Gumaru gumanda ang bilang ng mga online learners ngayon dahil nahikayat na ang mga magulang na mag-online class ang kanilang mga anak at marami na sa kanila ang nakabili ng gadget para sa online classes.
Tiniyak ng SDO Cauayan City ang kahandaan para sa nalalapit na pasukan dahil nagbigay na ang DEPED ng mga kakailanganing data ng mga guro para sa kanilang gagawing online learning.











