CAUAYAN CITY– Nasugatan ang anim na tao matapos magbanggaan ang barangay mobile patrol at isang pick up sa daan sa Centro East, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa SCPO Traffic Enforcement Unit, sakay ng barangay mobile patrol ng Calao East na minaneho ni Emerson Odulio,36 anyos, residente ng Calao East, Santiago City sina Reymond Gragarin, Mark Sotto, Joseph Galapon, Jemerson Eugenio Galapon, Carl Elbert Palding Galapon at Abdul Panglima, pawang nasa tamang edad at residente ng Santiago City.
Ang pick Up na minaneho ng Indian National na si Satbir Sandhu, 26 anyos, negosyante, residente ng Plaridel, Santiago City ay lulan sina Nap Nermal, Rogie Orence at Gureet Singh, pawang nasa tamang edad at residente rin ng Santiago City
Sa imbestigasyong ng SCPO Traffic Enforcement Unit, nasa parehong direksiyon ang dalawang sasakyan at nang lumiko sasakyan ng barangay ay bigla umanong nag-counter flow sa kaliwang bahagi ng sinusundang pick up na minamaneho ng indian national dahilan upang mabangga nito ang barangay mobile patrol.
Tumagilid sa daan ang mga sasakyan at nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mga pasahero ng dalawang sasakyan at dinala sa isang pribadong ospital.
Nagkasundo ang magkabilang panig na babayaran na ng Indian national ang napinsalang bahagi ng sasakyan at gastos sa pagpapagamot ng mga biktima.
Paalala ng SCPO Traffic Enforcement Unit na manatili sa linya at palaging sumunod sa mga batas trapiko upang makaiwas sa aksidente.











