--Ads--

Apat na katao ang nasawi matapos matabunan kahapon ng gumuhong lupa sa isang construction site sa Barangay Tiblac sa bayan ng Ambaguio .

Ang mga nasawi ay sina Rafael Villar, apatnaput dalawang taong gulang; John Retamola, dalawamput limang taong gulang, kapwa residente ng Barangay Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya; Christopher Padua, tatlumput walong taong gulang, residente ng Barangay Sta. Rosa, Bayombong at Carlos Tome, residente naman ng Purok 7, Barangay Bonfal East sa nasabing bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Plt. Christian Vincent Tomas, hepe ng Ambaguio Police Station, kasalukuyang naghuhukay ang mga biktima para sa gagawing slope protection wall ng kalsada nang biglang gumuho ang lupain sa itaas ng ginagawang proyekto.

Natabunan ang apat na mga biktima na nasa loob ng hinukay na pundasyon ng nasabing erosion wall, dakong alas 8:30 ng umaga.

--Ads--

Mabilis na nakatakbo ang mga kasama ng biktima, subalit ang apat nilang mga kasamahan na nasa limang metrong lalim na hukay ay agad na natabunan.

Agad namang tumugon ang mga tauhan ng Ambaguio PNP, BFP, MDRRMO at Tam-an rescue team na nagsagawa ng agarang paghuhukay.

Dakong ala una na ng hapon nang matagpuan ang ikaapat na biktima subalit tatlo sa mga nahukay na biktima ang lubhang nasugatan matapos aksidenteng tamaan ng backhoe habang isinasagawa ang paghuhukay.

Ang nasabing proyekto ay pag-aari ng negosyanteng si John Vic Viernes, tatlumput siyam na taong gulang, residente ng Barangay Don Mariano Perez sa nasabing bayan.

Ayon kay Plt. Tomas nagkausap na ang panig ng pamilya ng mga biktima at ng may ari ng construction site at aakuhin ni Ginoong John Vic Viernes ang gagastusin sa pagpapalibing at magbibigay din siya inisyal na cash assistance na nagkakahalaga ng tigtatlumpung libong piso bawat isang pamilya.