--Ads--

CAUAYAN CITY – Marami nang magsasaka ang nagpapasa ng claims para sa indemnity sa PCIC Region 2 dahil sa pagkasira ng kanilang mga pananim dahil nakaraang tagtuyot.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Louterio Sanchez, ang Marketing and Sales Division OIC PCIC Region 2, sinabi niya na pinakamarami sa mga nagfile ay mga nagtatanim ng mais dahil sa matagal na walang ulan.

Batay sa datos ng Claims Adjustment Division, umabot na sa 11,033 na magsasaka ng mais ang nagfile ng indemnity claims at nasa 13,504 na ektarya ang katumbas na area ng apektadong pananim sa mais lamang.

Aniya aabot sa siyamnapung milyong piso ang kabuuang halaga ng indemnity claims nito batay sa kanilang assessment at maaari pa itong madagdagan dahil sa kanilang pagtaya ay maaaring umabot sa dalawampung libong farmers ang apektado.

--Ads--

Kahit nagkaroon ng ECQ sa lunsod ng Tuguegarao at apektado ang tanggapan nagawa paring magbayad ng PCIC sa 2,979 na magsasaka sa kabuuang 11,033 at umabot ang indemnity nito sa labindalawang milyong piso.

Dalawamput pitong bahagdan ito ng kabuuang bilang ng nagfile ng indemnity sa kanilang tanggapan.

Samantala kaunti lamang ang magsasakang nagfile ng indemnity sa palay dahil nasa 388 farmers lamang at halos bayad na rin lahat ang mga ito.

Tiniyak naman ni Ginoong Sanchez na nagpapatuloy ang kanilang pagproseso sa mga ipinasang indemnity claims ng mga magsasaka at subject for validation at verification pa ang mga ito upang matiyak na talagang apektado ng tagtuyot o mga peste ang mga pananim ng isang magsasaka.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Louterio Sanchez, ang Marketing and Sales Division OIC PCIC Region 2.